Tuesday, 12 January 2016

Walang Pamagat

Siya na plauta, siya na lagi kong inibig.
Siya na alaala ng tubig, sa uhaw kong isip.
Ang lunti ng lunggati,
Ang samyo ng siphayo.
Siya na Hininga ng bukangliwayway,
Alaala ng kasaganahan ng ginapas na palay.
Usok ng piging ng alaalang 'di magmaliw.
Siya ang lahat ng kailanman,
Na hindi kailanman magiging ngayon.
At nauunawaan ko ang mga tala,
Sa kanilang kalungkutan.

Kumusta na si Chairman Gonzalo at Commander Zero?
Nagising na ba sila sa pagkakahimbing sa hardin?
Tagay para kay Amado Guerrero!
Tagay para kay Armando Liwanag!
Pero huwag kalilimutan-
Isang marangyang tagay para kay Dagohoy,
At sa isangdaang taon niyang pag-aaklas!
Naalala ko si Hikmet, Neruda, at Uncle Ho-
Isang marangyang piging sila ng pag-aalay sa sarili.

Sinta,
Hayaan akong magtampisaw sa Ilog Lena
At tumula nang may asupre sa bibig,
Asero sa dibdib,
At may pagpaslang sa panaginip.
Pagdaka'y babagtasin ang daan papuntang Yenan,
Inaawit ang iyong pangalan na tila hibang.
Naaalala ang mga baywang na iyan,
Ang mga baywang,
Na hinahaplos sa bukangliwayway.

Pagkatapos ng Rebolusyon,
Sa panahon ng Rekonstruksiyon,
Nariyan ka pa kaya?
Maaalala mo pa kaya tayong dalawa?
Mga manlalakbay ng malay,
Mga pangahas ng bukas?

Ahh... maaring pareho tayong
Mawawalan na nang kakayahang
Magbaliktanaw at magmuni-muni
Sa panahong may tayong dalawa.

Pareho tayong maninirahan sa diwa
Ng mga isinalinlahi ng rebolusyong pinag-alayan.

Sa katunayan... matagal na tayong wala.

Naalala mo ba ang kapanganakan
nang hinubad natin
ang ating mga pangalan?

Ang araw nang ang uring
nagluwal sa atin...
buong loob na inulila natin?

Kasama... matagal na tayong wala.
Matagal na... kasama.

Nang buong buhay na isinumpa nating...

Kalayaan ay buong digma nating
Iibigin!

*** a collective work of lovers of freedom.



Pag-ibig

Ano pa ang silbi ng gabi
kung ang tanging kayakap
ay yaring alab ng pangungulila
at karimlan ay nawalan na
ng himig na hehele at hahagod
sa pagal na katawan
at diwang pagod
at uhaw sa tamis
ng panandaliang
pag-idlip.

Naunahan na
ng mga tala
yaring namumugtong
mga mata sa pagtulog...

hilik nila’y ramdam
ko sa hamog na
sumasaliw sa
unang pagtilaok
ng bukangliwayway.

Kagabi pa...

panauhin kang
nilalamayan ng
aking  ulirat.

Kagabi pa...

tila ba’y kalaguyo kang
matagal ng wala...

hindi naging akin...

sinuyo ko siya’t ako’y hinagkan bilang isang kasama.

Kagabi pa...

kung hindi lang
sa iniirog at inaasam
na nanunukdulan nang
pagkatimawa...


klang...! klang...! klang...!

umaga na pala...

nananambana na
ang pag-iisang palad
ng lahat sa sinisintang


kalayaan!